Hindi ko maipaliwanag ang kagalakan sa aking puso sa tuwing aakyat ako sa isang bundok. Hindi ko rin alam kung saan ako kumukuha ng lakas ng loob upang akyatin ang pinakamataas ng parte nito. Daig ko pa ang naka-high sapagkat hindi ako nakakaramdam ng anumang pagod habang ang mga kasama ko ay nangangapos na ng hininga at tila ba nais ng sumuko.
Isa ang Mt.Pico de Loro sa pinaka-challenging na bundok na aking na-akyat. Bago pa lamang ang araw ng aming pag-akyat, ako at aking mga kaibigan ay nagbasa na ng mga blog post tungkol sa bundok na ito. Sa mga larawan pa lamang na aming nakikita alam namin na hindi ganon kadali ang magiging pag-akyat namin lalo na sa "monolith" o ang tinaguriang "parrot's peak."
Nagsimula ang aming grupo na umakyat alas-6 ng umaga. Madalim pa ang paligid at panaka-naka ang pagpatak ng ulan, sa tuwing tatanungin namin ang aming guide, ang sagot niya sa amin, hamog lamang at hindi ulan ang pumapatak sa aming mga ulo.
 |
| Mahamog pa ng narating ng aming grupo ang campsite ng Mt.Pico de Loro |
Ang Mt.Pico de Loro ay mayroong walong istasyon bago makarating sa campsite. Sa campsite makikita mo ng kabuuan ang "summit" at ang "monolith" ng Mt.Pico de Loro. Dito rin nagtatayo ng tent ang mga mountaineers na nag-o-overnight sa bundok. Mayroong mga tindahan sa campsite kung saan makakabili ng mga inumin at pagkain na maaring makapawi ng iyong uhaw at gutom matapos mong lakarin at akyatin ang walong istasyon ng Mt. Pico de Loro.
 |
| Ang aking "You only live once (YOLO) pose" sa Mt.Pico de Loro. Nasa aking harapan ang "summit" at monolith ng bundok. |
Mula
sa campsite iniwan na namin ang mga gamit sa mga kasamahang hindi na nagnais na
umakyat sa summit. Ang pag-akyat sa summit ang pinakamahirap na parte ng
pag-akyat sa bundok na ito. Karamihan sa amin ay halos gumapang na upang
makarating sa pinakamataas na bahagi ng Mt.Pico de Loro.
 |
| Paakyat ng summit. |
 |
| "Thumbs-up" matapos maakyat ang summit. |
 |
| Labis ang kaligayan ng aming grupo ng marami pa sa amin ang kinayang umakyat sa summit. |
Ang summit ang
pinakamataas na parte ng Mt.Pico de Loro, ng marating ito ng aming grupo ay ni
hindi namin makita ang tanawin sa ibaba dahil sa kapal ng hamog. Ang ilan sa
aming mga kasamahan ay hindi rin makatayo sapagkat malakas ang hangin na tila
ba kaya kaming tangayin.
Mula sampo, lima lamang sa aming grupo ang nagpasyang umakyat ng monolith. Ang parte kasing ito ng bundok ay para lamang sa mga "extremist", mga taong may sa sapat na lakas ng loob na akyatin ang mapanganib na parte ng bundok.
Isa ako sa limang umakyat ng "monolith." Hindi ko rin alam kung saan ako kumuha ng sapat na tapang, ng mga oras na iyon, naisip ko na hindi makukumpleto ang pag-akyat ko sa Mt.Pico de Loro kung hindi ako sasamang umakyat sa Monolith. Kasama ang aking Ninang Bezt, at mga katrabaho at kaibigan na sina Joram, Jett at Modz, buong tapang naming inakyat ang monolith ng Mt.Pico de Loro.
 |
| Kuha bago umakyat ng monolith. |
 |
| Nakakanginig tuhod na pose maakbayan lang ang tinaguriang "parrot's peak." |
 |
| Limang matatapang na tumanggap ng hamon na akyatin ang Mt.Pico de Loro's monolith. |
Ang "final challenge" ay ang pag-akyat sa "parrot's peak." Paikot naming inakyat ang mataas na batong ito. Dumaan sa makitid at paikot na daan sa monolith kung saan tila ba tanaw mo na ang iyong kamatayan oras na magkamali ang iyong paghakbang. Gumamit din kami ng lubid pababa at paakyat sa bahaging ito ng Mt.Pico de Loro.
Labis ang kasiyahan na aming nadama ng marating namin ang tuktok ng parrot's peak. Mula sa taas ay tuwang-tuwa naming nasilayan ang ganda ng tanawin ng Cavite at Batangas. Tuwing mahahawi ang mga hamog at ulap, napapasigaw namin tinatawag ang mga kasamahang iniwan namin sa summit.
 |
| Ngiti ng tagumpay ng marating namin ang tuktok ng monolith ng Mt.Pico de Loro. |
Ang pag-akyat sa Mt.Pico de Loro ay isang magandang karanasan na aking ikukwento sa lahat ng mga taong katulad kong nagmamahal sa kabundukan. Mga taong kinakapos ng tapang na harapin ang hamon sa pag-akyat ng bundok at mga taong may sapat na tapang ngunit walang sapat na panahon upang makaniig ang magandang bahaging ito ng kalikasan. Nais kong malaman ng lahat kung ano ang maari nilang makita at maranasan sa bawat pag-akyat. Kung gaano kapayapa at kagaan sa puso ang paminsang malayo ka sa magulong mundo na ating ginagalawan. Kung gaano kasarap sa pakiramdam na mag-slow down, upang makalanghap ng sariwang hangin na papayapa sa iyong puso at isipan. Kung paanong ang takot ay mapapalitan ng lakas at kaligayahan sa tuwing mapagtatagumpayan mo ang bawat pag-akyat.
Umakyat ka ng bundok hindi para magyabang sa mga kaibigan mo sa social media. Masarap sa pakiramdam na makakuha ng maraming "likes" ang mga larawan mo sa bawat bundok na iyong inakyat ngunit mas masarap sa pakiramdam ang makaramdam ka na abu't langit na kapayapaan habang nasa pinakatuktok ka ng bundok na iyong inakyat.
Subukan mong magmuni-muni sa tuktok ng mga bundok...mararamdaman mo kung gaano kadakila ang Diyos na lumikha ng bawat kabundukan. Mararamdaman mo kung gaano ka kamahal ng Diyos upang bigyan ka ng maayos at masayang buhay.
Masayang pagkakataon. Ang swerte ko mahal ako ng Panginoon na lumikha ng lahat ng bagay. Hinayaan niya akong maakyat ang bundok upang pahalagahan ang lahat ng buhay. Mula sa maliit na langgam na aking nadaanan paakyat sa Mt.Pico de Loro, sa malamig na dampi ng bawat hamog, mabining huni ng mga ibon sa kagubatan at kaluskos ng mga hayop na aking kinakatakutan labis-labis ang pasasalamat ko Panginoong Jesus...hanggang sa aking muling pag-akayat!
PS. Nakababa kami ng Mt.Pico de Loro ng 1:30pm.Sa mga nais umakyat sa Mt.Pico de Loro maari ninyong tawagan ang aming guide na si Kuya Etong sa 0921-624-2284.
#climb02042016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento